Sinabi ni P/Chief Supt. Alejandro Lapinid Regional Police Director ng MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) ang sunog ay nag-umpisa dakong alas-2 ng hapon matapos na buhusan ng kerosene gas ng biktimang si Dominador Sedaya ang kanyang sarili.
Ayon kay Lapinid, ibig ng biktima na tapusin na ang kanyang paghihirap matapos itong ma-stroke na pumaralisa sa kanyang buong katawan.
Nalitson din ang anim-na-buwang sanggol na si Novelyn Marquez at 300 kabahayan ang nilamon ng apoy.
Nabatid na tatlong barangay ang naapektuhan ng sunog na kinabibilangan ng Sea Planes 1, 2 at Tagumpay Seaside.
Sinabi pa ng opisyal na malakas ang hangin sa lugar kayat masyadong mabilis ang naging pagkalat ng apoy. Ang insidente ay itinuturing na pinakagrabeng naganap sa Palawan sa loob ng nakalipas na ilang taon.
Kaugnay nito, nakipagkoordinasyon na ang Provincial Disaster Coordinating Council ng Puerto Princesa City sa lokal na pamahalaang lungsod para sa relokasyon ng 1,500 pamilya na nasunugan.
Nabatid pa na ipinag-utos na rin ni Puerto Princesa City Edward Hagedorn ang pansamantalang kupkupin sa Puerto Princesa Coliseum ang mga naapektuhang residente ng lungsod at namahagi na rin ang mga ito ng pagkain at damit. (Ulat nina Joy Cantos at Arnell Ozaeta)