Bukod sa kasong libelo, nahaharap din sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code (criminal and administrative charges) at damages ang mga akusadong sina San Isidro Brgy. Capt. Susana Garcia Say na tumatakbong kandidato sa pagkamayor ng Antipolo, vice mayor nitong si konsehal Troadio Reyes, at campaign manager na si Edilberto Lagasca.
Sa labing-apat na pahinang reklamo ni Antipolo Mayor Angelito Gatlabayan kay Assistant City Prosecutor Fernando Fernandez, nakasaad dito na naganap ang paninira ng mga akusado makaraang magpulong ang partido ng mga ito sa Main Gate, Bankhouse Solid Cement ng lungsod na ito na tuwirang isinangkot ni Gatlabayan sa iligal na droga.
"Iboboto pa ba natin si Gatbalayan na sangkot sa iligal na droga, kung kailangan ninyo non (iligal na droga) doon kayo kay Gatbalayan wala ako niyon," ani Reyes sa naturang pagpupulong.
Ang tinutukoy ng mga akusado sa kanilang speech ay yung pagsalakay ng Anti-Illigal Drugs Special Operations Task Force (AID-SOTF) sa isang bodega sa barangay Mambugan noong nakaraang taon na kung saan nakakuha ang mga kagawad ng pulisya ng P2 bilyong shabu, subalit wala naman umanong kinalaman si Mayor Gatbalayan dito.
Sinikap kunan ng paliwanag ng pahayagang ito ang mga akusado subalit hindi mahagilap ang mga ito. (Ulat ni Edwin Balasa)