Kinilala ng human rights group ang mga biktimang nawawala simula pa noong Nobyembre 24, 2003 na sina Mark Siriban, Marcelo Arce, Manuel Acoba, Lux Buraga at Grace Macalanda na pawang estudyante mula sa Cagayan State University; Liberty Barnao, Janine Cureg, Junior Amor at Peter Tumbali na pawang mag-aaral sa St. Paul University. Ang dalawang unibersidad ay kapwa matatagpuan sa Tuguegarao City.
Ayon sa grupong Karapatan, ang mga biktima ay nagtungo sa bayan ng San Mariano, Isabela noong Nobyembre 24, 2003 para magsagawa ng pananaliksik sa buhay ng mga magsasaka sa mga liblib na barangay.
Napag-alaman pa sa ulat ng naturang grupo, sinamahan ang dalawang kasapi ng Anakbayan na sina Nenita Gaspar at Joven Concepcion ang mga biktima pero hanggang noong Disyembre ay hindi na nakabalik pa ang siyam.
Pero noong araw ng Nobyembre 24, 2003 ay napaulat na napatay sina Gaspar at Concepcion sa pakikipagbarilan sa tropa ng militar dahil sa inakalang kasapi ng rebeldeng New Peoples Army (NPA) na nagkukuta sa Barangay Dicamay, San Mariano.
Iginiit naman ng samahang Karapatan na sina Gaspar at Concepcion ay kapwa lider ng mga estudyante at pinalantad sa tropa ng 5th Infantry Division na ilabas na ang siyam na nawawala. (Ulat ni Benjie Villa)