Sinabi ni P/Director Ricardo de Leon, hepe ng Directorate for Police Community Relations na si Tor ay tinanggal sa puwesto matapos na ireklamo ng ilang lider pulitiko sa Region 12 hinggil sa paglaganap ng jueteng simula nang maitalaga sa nasabing rehiyon.
Pansamantalang inilagay bilang deputy director for Operation ng NCRPO si Tor habang binubusisi ang reklamo kung may katotohanan nga ang alegasyon laban sa kanya.
Si P/Chief Supt. Manuel Raval ang papalit kay Tor sa Region 12, samantala, si P/Chief Nicolas Pasinos naman ang itatalaga sa Region 10.
Magugunita na si Tor ay inireklamo ng apat na gobernador ng Central Mindanao sa pangunguna ni Gov. Daisy Avance Fuentes ng South Cotabato sa paniniwalang sangkot sa paglaganap ng jueteng sa Region 12.
Nabatid din na ang reklamo ng mga gobernador laban kay Tor ay naiparating na kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, Director General Hermogenes Ebdane, PNP chief at DILG Sec. Jose "Joey" Lina Jr. (Ulat ni Joy Cantos)