Sinabi ni Major Julieto Ando, tagapagsalita ng 6th Infantry Brigade ng Philippine Army, tumagal ng dalawang oras ang bakbakan matapos na isagawa ang opensiba ng 6th Infantry Battalion na sinundan pa ng air support ng mga helicopter gunship ng Philippine Air Force.
Nabatid pa kay Ando na bineberipika pa nila ang pagkikilanlan ng mga nasawing rebelde, samantala, ang iba naman ay napilitang bitbitin ng kanilang mga kasamahang nagsitakas sa ibat ibang direksyon.
Hindi naman nabatid kung ilan sa mga kawal ng Phil. Army ang nasugatan, ngunit walang iniulat na nasawi sa panig ng militar.
Napag-alaman pa sa ulat na bago pa maganap ang bakbakan ay nakatanggap na sila ng impormasyon sa ilang residente na may mga armadong kalalakihan na nagpapahinga sa naturang lugar kaya agad na tinungo ng tropa ng militar ang kinaroroonan ng mga rebelde.
Nakatanggap din ng intelligence report ang militar na planong salakayin ng mga rebelde ang isang military detachment kaya inunahan na nila.
Patuloy namang ginagalugad ng militar ang naturang kagubatan at pinalalagay na nakialyado na sa ibang grupo ng rebelde ang mga nagsitakas para muling palakasin ang kanilang puwersa laban sa tropa ng pamahalaan.(Ulat ni Danilo Garcia)