Pansamantalang hindi ibinunyag ang mga pangalan ng nasawi habang hindi pa inaabisuhan ang kanilang pamilya.
Base sa ulat ng militar, kasalukuyang sakay ng dalawang dyip ang tropa ng militar mula sa 15th Infantry Battalion nang tambangan ng mga rebelde malapit sa bayan ng Candihay noong Biyernes.
Napag-alaman kay Army Spokesman Col. Nestor Añonuevo na gumanti ng putok ang tropa ng militar na ikinasawi naman ng dalawang rebelde, ngunit binitbit ng kanilang tumakas na kasamahan.
Pinaniniwalaan naman na marami ring nasugatan sa panig ng NPA dahil sa mga patak ng dugo sa direksyon na dinaanan ng mga rebelde.
Ayon pa sa ulat, bago pa nagsitakas ang mga rebelde ay tinangay pa ang apat na M-16 rifles, M203 grenade launcher makaraang matunugang may paparating na mga sundalo.
Sinabi pa ni Añonuevo na unang bugso pa lamang ito sa isinasagawang paghahasik ng lagim ng mga rebelde dahil sa nalalapit na 34th founding anniversary sa Marso 29, 2003. (Ulat ni Danilo Garcia)