Ayon kay Gng. Vener Romarate, aksidente lamang ang kanyang pagkakatuklas sa mukha ng Panginoon noong gabi ng Disyembre 7 ng taong ito.
Nakaupo umano siya sa sofa ng kanilang bahay nang may bigla na lamang dumaang puting bagay sa kanilang pangalawang pintuan at nang kanyang usisain ay wala naman siyang nakita.
Nang sumunod na umaga ay napatingin siya sa nasabing pintuan at gayun na lamang ang kanyang kaba nang tumambad sa kanyang paningin ang imahe ng Panginoon Jesus.
Halos mahigit isang linggo nang dinarayo ng mga deboto ang lugar na pinaglitawan ng imahe na ngayon ay napapalibutan ng mga kandila.
Ang mga nagtutungo dito ay nag-aalay ng mga panalangin habang ang iba naman ay nagpapahid ng langis na dinasalan sa mga parte ng kanilang katawan na may karamdaman sa paniniwalang sila ay gagaling.
Ayon sa isang Aling Lucy, nakaramdam siya ng ibayong kaginhawaan ng manalangin siya sa harap ng imahe.
Sinabi naman ng mga naglilingkod sa St.Francis Cathedral na lubhang maaga pa kung sasabihing isang himala ang naganap sa nasabing barangay. (Ulat ni Tony Sandoval)