5 sundalo, 4 MILF rebels patay sa bakbakan

Lima sa tropa ng pamahalaan at apat sa separatistang mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang kumpirmadong nasawi habang tatlo pang sundalo ang malubhang nasugatan matapos ang mainitang bakbakan sa pagitan ng magkabilang panig sa Buldon, Maguindanao, kamakalawa.

Sa ulat na tinanggap kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of Staff Gen. Diomedio Villanueva, bandang alas-6:45 ng umaga nang maganap ang enkuwentro sa pagitan ng hindi pa mabatid na bilang ng mga rebeldeng MILF at ng tropa ng 64th Ifantry Battalion (IB) sa magubat na lugar ng Sitio Sultan Base sa bayan ng Buldon ng nasabing lalawigan.

Gayunman, kasalukuyan pang bineberipika ang pagkakakilanlan ng apat na nasawing rebelde na narekober ang bangkay sa encounter site.

Hindi naman matukoy ang pangalan ng mga nasugatang sundalo na mabilis na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan.

Kinilala ang mga sundalong narekober ang bangkay na sina Cpl. Reynaldo Amoloy, Pfc. Reynaldo Belgera, Pfc. Reynaldo Diaz, Pfc. Eugene Allare at ang CAFGU na si Malik Masurong.

Napag-alaman na kasalukuyang nagsasagawa ng combat operations ang tropa ng mga sundalo nang makasagupa ang grupo ng mga rebeldeng MILF.

Naging mainitan ang pagpapalitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig na tumagal ng may 30 minuto bago tuluyang nagsiatras ang mga kalaban.

Dalawang M-16 rifles at isang M-203 grenade launcher ang narekober sa pinangyarihan ng enkuwentro.

Ang naganap na enkuwentro sa pagitan ng tropa ng militar ay isa na namang paglabag sa ceasefire agreement na nilagdaan ng GRP at MILF peace panels sa Kuala Lumpur, Malaysia nitong nakaraang buwan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments