4 pulis kritikal sa misencounter

Apat na kagawad ng pulisya ang malubhang nasugatan matapos na aksidenteng makipagbarilan sa mga kasamahang pulis habang tinutugis ang grupo ng mga rebeldeng komunista sa naganap na misencounter sa magubat na hangganan ng Santiago at Tubay sa lalawigan ng Agusan del Norte kamakalawa.

Kinilala ang mga nasugatang pulis na sina PO1 Odeng Acmad, nagtamo ng tama ng bala sa leeg at tiyan; PO1 Joel Oñes, tinamaan sa noo; PO1 Miguel Driz, nahagip ng bala sa kaliwang balikat at PO1 Carlito de la Rama; nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang kamay.

Sa ulat na tinanggap kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Leandro Mendoza, dakong alas-4:30 ng madaling araw ng aksidenteng magbakbakan ang mga tauhan ni P/Sr. Insp. Joel Misoles, Group Commander ng 1401st Police Provincial Mobile Group (PPMG) ng Agusan del Norte Police Provincial Mobile Group (PPMG).

Kasalukuyan umanong nakaposisyon ang mga elemento ng pulisya na pinagdalawang pangkat sa bisinidad ng Sitio Ginoyaran, Brgy. San Isidro, sa hangganan ng bayan ng Santiago at Tubay.

Bunga umano ng kawalan ng koordinasyon ng ideneploy na grupo ng pulisya ay napagkamalan ng mga ito na kalaban ang kanilang mga kasamahan ng may marinig na kaluskos sa kabilang lugar.

Sa pag-aakalang ang tinutugis na grupo ng mga rebelde ang lumikha ng kaluskos sa may damuhan ay agad na nagpaputok ang kabilang pangkat ng nakaposisyong mga pulis na di sukat akalain na mga kasamahan rin nila ang kanilang binabakbakan.

Nang tumambad at sumigaw ang isa nilang kasamahang pulis na kabilang sa nasugatan ay saka lang ng mga ito nabatid na na-WOW mali ang kanilang grupo.

Agad namang ipinatawag sa headquarters ng 143th Regional Mobile Group (RMG) ang nasabing grupo ng mga pulis kasunod ng pagdidisarma sa mga ito habang masusi pang iimbestigahan kung sino ang dapat managot sa pumalpak na operasyon na nagbunsod sa misencounter. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments