NPA rebels namataan sa Cavite

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite — Nakaalerto ngayon ang buong puwersa ng Cavite PNP dahil sa impormasyong nakalap na pinamumugaran na ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang dalawang bayan sa nabanggit na lalawigan.

Ito ang pinagtutuunan ng pansin ni Cavite Provincial Director Sr. Supt. Sammy Pagdilao na may mga namataang grupo ng rebelde sa bulubunduking bayan ng Maragondon at Magallanes, Cavite.

Kabilang din sa pinagkukutaan umano ng NPA rebels ay ang malalapit na bayan ng Indang, Alfonso, Mendez subalit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nagsasagawa ng marahas na kilos ang mga rebelde sa mga residente.

Inatasan din ni Pagdilao ang kanyang mga tauhan na mag-monitor sa mga nabanggit na bayan kung may kahina-hinalang ikinikilos ang mga baguhang residente na posibleng miyembro ng rebeldeng grupo.

Magugunitang may napaulat na nakaenkuwentro ang Magallanes PNP ng tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang mga miyembro ng NPA rebels, kasunod ng engkuwentro sa bayan ng Indang na iniulat na nasawi ang tatlo. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments