FX taxi sinuwag ng bus: 1 todas, 8 grabe

BALAGTAS, Bulacan – Isa sa siyam na mag-anak ang iniulat na nasawi habang walo naman ang malubhang nasugatan matapos ang kanilang sinasakyang Toyota Tamaraw FX Mega taxi ay banggain ng isang pampasaherong bus habang binabagtas ang kahabaan ng North Luzon Expressway, sa may bahagi ng Barangay Burol 2nd sa bayang ito, kamakalawa ng umaga.

Sa ulat ng PNCC Highway Patrol Group, kinilala ang nasawi na si Salome Fabicon, 63, samantalang ginagamot naman sa pinagdalhang pagamutan sina Minerva Fabicon, 37; Marivic Torres, 30; Jonah Musico, 34; ang mag-anak na sina Theodore Fabicon, isang taong gulang; Kyle Torres, 2; Samantha Joy Fabicon, 5; Shilkeeper Fanor, 7 at ang driver ng nasabing FX taxi na si Orencio Jesus Fabicon, 35, na pawang mga residente ng Francisco Homes II, San Jose del Monte City sa nabanggit na lalawigan.

Batay sa inisyal na ulat, ang insidente ay naganap dakong alas-9:30 ng umaga habang binabagtas ng mag-anak na sakay ng FX taxi na may plakang TTD-897 at patungong Maynila nang bigla na lamang umano itong banggain sa gawing likuran ng isang sumusunod na Sierra Madre Transit na may plakang CVW-630 na minamaneho ng isang Reynaldo Galang, 35, may-asawa ng Cabiao, Nueva Ecija.

Lumitaw sa imbestigasyon na posibleng nag-overtake ang nasabing bus at dahil sa matulin ang dating nito ay huli na nang mapansin ng driver ang nasa unahang FX Mega taxi, na nagresulta upang mabundol niya ito.

Detinido ngayon sa Balagtas police station ang driver ng nasabing bus upang papanagutin sa naganap na insidente. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments