MANILA, Philippines — Nasawi ang isang babaeng mataas na lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa naganap na engkuwentro sa Brgy. Pianing, Butuan City, Agusan del Norte nitong Miyerkules ng hapon.
Sa report ni Army’s 4th Infantry Division (ID) Commander Brig. Gen. Michelle Anayron Jr., kinilala ang napatay na lider ng NPA sa CARAGA Region na si Myrna Sularte, alyas Maria Malaya.
Ayon kay Anayron, ang grupo ni Sularte Kalihim ng NPA North Eastern Mindanao Regional Committee ay nakasagupa ng mga elemento ng Army’s 30th Infantry Battalion (IB) sa bulubunduking bahagi ng Sitio Tagulahi, Brgy. Pianing ng lungsod.
Sa tala, si Sularte ay biyuda ni Jorge Madlos alyas Ka Oris, ang isa sa matataas na lider ng NPA na napatay naman sa bakbakan sa lalawigan ng Bukidnon noong Oktubre 2021.
Sinabi ng opisyal na ang mga sundalo ay nagresponde matapos na makatanggap ng report sa presensya ng mga rebeldeng nangingikil sa mga komunidad na nauwi sa bakbakan ng magkabilang panig matapos na unang magpaulan ng bala ang mga kalaban.
Nabatid pa na si Sularte ay nahaharap rin sa samutsaring kasong kriminal kabilang na ang rebelyon, arson, robbery with double homicide, kidnapping, murder na dulot ng sari-saring uri ng paghahasik ng terorismo sa rehiyon.