MANILA, Philippines — Inihain kahapon sa Department of Justice (DOJ) ng National Bureau of Investigation (NBI) ang reklamong inciting to sedition at grave threat laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay sa bantang pagpatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
Kahapon ay pormal nang isumite sa tanggapan ni Prosecutor General Richard Fadullon ang complaints sa DOJ, na inirekomenda ng limang abogado ng NBI sa pangunguna ni Dir. Santiago.
Ang kaso ay nag-ugat sa sinabi ni Duterte sa isang Zoom press conference na iniere ng ilang social media platforms na kung sakaling mapatay siya, kumuha na siya ng taong papatay kina Pangulong Marcos, Unang Ginang Liza at House Speaker Romualdez.
Ang rekomendasyon ng NBI ay daraan sa ebalwasyon ng National Prosecution Service at kung kumpleto na ang ebidensya ay ipapasa na ito para sa pagsasagawa ng preliminary investigation, ayon kay Fadullon.
Hindi na umano ikinagulat ni VP Sara ang rekomendasyon ng NBI na sampahan siya ng mga kasong kriminal.