Higit P3 milyon ecstasy, cocaine, marijuana vape oil nasabat sa Maynila
MANILA, Philippines — Mahigit P3 milyong halaga ng iba’t ibang uri ng iligal na droga ang nasamsam sa dalawang “tulak” ng droga sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD)-Raxabago Station sa Tondo, Maynila, Biyernes ng gabi.
Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ang mga suspek na sina alyas “Yang”, at alyas “DJ” sa paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa ulat, dakong alas-7:30 ng gabi ng Nobyembre 29, 2024 nang isagawa ang operasyon sa Maharlika St. panulukan ng Herbosa St, sa Tondo.
Nabatid na isang regular informant ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng MPD PS-1 ang nagkumpirma na may transaksyon sila kay alyas Yang sa pagbili ng party drugs na ecstasy.
Sa pangunguna ni P/Corporal Rey Palaming, naisagawa ang buy-bust gamit ang isa nilang tauhan bilang poseur buyer.
Ang hinihinalang ecstasy ay may kabuuang bilang na 1,631 piraso na nagkakahalaga ng P2,772,700; Cocaine na nasa 45 gramo na nagkakahalaga ng P238,500; Marjuana na 11 gramo na may halagang P 1,320; habang ang apat na Disposable Vape na naglalaman ng hinihinalang Marijuana Oil/Juice ay may street value na 10,000.
- Latest