EAC binuhat ni Bodonal sa panalo
MANILA, Philippines — Nagpakitang gilas si Erica Maye Bodonal matapos akbayan ang Emilio Aguinaldo College sa 33-31, 25-16, 18-25, 20-25, 15-10 panalo kontra sa Jose Rizal University sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament 1st round eliminations na nilaro sa UPHSD Gym, kahapon.
Bumira si Bodonal ng 22 points mula sa 21 attacks at isang service ace para tulungan ang Lady Generals na ilista ang 2-6 karta para saluhan ang Lyceum of the Philippines University sa seventh place sa team standings.
Kinadena agad ng Lady Generals ang panalo sa unang dalawang sets, naka-umang na tapusin ang laro sa set 3 pero hindi basta pumayag ang Lady Bombers.
Nasikwat pa ng Kalentong-based squad ang fourth frame kaya nakahirit sila ng deciding fifth set.
Pero muling ikinasa ng Lady Generals ang kanilang armas, kaya nahawakan agad nila ang five-point lead, 5-0 sa kaagahan ng fifth set.
Hindi na pinaporma ng EAC ang JRU at tinapos na nila ang laro para pormal na makuha ang panalo.
Samantala, isiniksik ni Raissa Janel Ricablanca sa three-way tie sa top spot ang Mapua University matapos nilang kaldagin ang University of Perpetual Help System DALTA, 25-20, 25-23, 23-25, 25-17 sa ikalawang laro.
Tumikda si Ricablanca ng 17 points para sa Mapua na nilista ang 7-2 card, kapareho ang defending champion College of Saint Benilde at ang Perpetual. Help.
- Latest