Bolts nadiskaril ang target sa EASL

MANILA, Philippines — Kinapos ang Meralco na masungkit ang maka­say­sayang Final Four ticket matapos ang 96-106 double overtime loss sa New Taipei Kings sa pag­tatapos ng 2024-2025 East Asia Super League (EASL) elimination round sa University of Taipei.

Nilustay ng Bolts ang komportableng 72-63 kala­mangan sa huling mga minuto upang hayaan ang double OT kung saan sila naubusan ng gasolina.

Nagtapos sa 2-4 kartada sa Group B ang Meralco, habang 4-2 naman ang New Taipei sa virtual KO match para sa huling silya sa semis ng home-and-away regional league.

Bolts sana ang aabante sa Final Four na gaganapin sa Marso 7 hanggang 9 sa Macau dahil sa quotient sa­kaling magtabla sila sa 3-3 kartada kasama rin ang Macau Black Bears.

Nauwi sa wala ang 21 points, 8 rebouns, 3 assists at 4 steals ni import DJ Ken­nedy pati na ang 17 mar­­kers ni Chris Newsome para sa Bolts na nasi­bak  din sa quarter­finals ng 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup kontra sa Ba­­rangay Ginebra.

Nag-ambag ng tig-15 points sina import Akil Mit­­chell at Bong Quinto.

Abot-kamay na sana ng PBA Philip­pine Cup champions ang tagumpay hawak ang 78-75 abante sa regulation subalit naibuslo ni Austin Daye ang tres sa huling 14 segundo.

Sablay ang tira ni Ken­nedy para sa unang overtime kung saan buma­wi ang Meralco sa ka­tauhan ni Jansen Rios na nagta­rak ng buzzer-beating triple para makapuwersa ng se­cond overtime, 91-91, ba­go tuluyang kapusin.

 

Show comments