Capital1 luhod sa Petro Gazz

Ang hataw ni Petro Gazz star Brooke Van Sickle laban kay Des Clemente-De Guzman ng Capital1.
PVL photo

MANILA, Philippines — Hinataw ng Petro Gazz ang pang-pitong sunod na panalo matapos walisin ang Capital1 Solar Energy, 25-19, 25-18, 25-9, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Confe­rence kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Pumalo si Myla Pablo ng 14 points mula sa 12 attacks, isang service ace at isang block para sa 8-1 baraha ng Gazz Angels ni Japanese coach Koji Tsuzurabara.

Nagdagdag si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 13 markers habang may pito at anim na puntos sina Remy Palma at Fil-Am MJ Phillips.

“Siyempre, alam ko naman na isa ako sa inaasahan ng team and then ng mga coaches. Kailangan talaga mag-step up ako sa loob ng court at iyong leadership ko sa loob ng court, kailangan makita ng mga bata,” ani Pablo.

Walang nagtala ng double digits para sa Solar Spikers na bagsak sa ika­anim na dikit na kamalasan para sa 1-9 baraha.

Epektibo ang inilaro ni setter Djanel Cheng na naglista ng 13 excellent sets para sa opensa ng Petro Gazz na kaagad itinayo ang 2-0 lead sa Capital1.

“Siyempre, very proud. Kita naman siguro na kahit sino ang ipasok nagpe-perform sa team para sa mga upcoming games,” wika ni Cheng.

Sa third frame ay hindi na pinatagal ng Gazz Angels ang laro at kaagad dinispatsa ang Solar Spikers sa 25-9 tampok ang ace ni Van Sickle.

Umiskor si Heather Guino-o ng walong puntos habang ay anim na marka si Des Clemente-De Guzman sa panig ng Capital1 ni mentor Roger Go­rayeb. 

Show comments