Chery Tiggo pinigilan ang Galeries
MANILA, Philippines — Pinigilan ng Chery Tiggo ang hangarin ng Galeries Tower matapos ilusot ang 30-28, 20-25, 19-25, 25-16, 15-8, sa huling laro ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference para sa taong 2024 kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Humataw si Ces Robles ng 21 points mula sa 20 attacks at isang service ace para ibangon ang Crossovers mula sa naunang kabiguan at itaas ang baraha sa 4-2.
Nag-ambag si Aby Maraño ng 15 markers at may 14, 13 at 11 points sina Pauline Gaston, Shaya Adorador at Ara Galang, ayon sa pagkakasunod.
Bigo ang Highrisers, nakahugot kay France Ronquillo ng 18 points, na mailista ang back-to-back wins at bumagsak sa 1-5 marka.
Itinakas ng Chery Tiggo ang first set, 30-28, na tumagal ng 37 minuto bago angkinin ng Galeries Tower ang second at third frame para lumapit sa inaasam na ikalawang sunod na ratsada.
Ngunit nagtuwang sina Robles, Adorador at Gaston para itabla ang Crossovers sa Highrisers sa fourth set, 25-16.
Pagdating sa fifth frame ay bumida sina Robles at Adorador para sa 8-4 abante ng Chery Tiggo patungo sa 15-8 pagligpit sa Galeries Tower.
- Latest