Manila, Bacoor may homecourt advantage: Cebu may pag-asa sa playoffs
Bacoor City – Nagtala ng magkaibang panalo ang rumaragasang Streaking Bacoor Strikers at mainit na Manila Stars para makatiyak ng tiket sa top four sa kani-kanilang dibisyon sa Chooks-to-Go/MPBL Lakan Season dito sa Strike Gym.
Pinatumba ng Strikers ang General Santos Warriors, 87-75 habang nirapido ng Stars ang Mindoro Tamaraws, 133-101 para kapwa angkinin ang homecourt advantages sa eight-team playoffs sa South at North divisions, ayon sa pagkakasunod.
Nagtala si Michael Mabulac ng 17 points at 10 rebounds para sa Strikers na nakahugot kay Michael Canete ng 11 points at 10 rebounds habang may 10 markers, 11 assists at 7 boards naman si MVP contender Gab Banal.
Nagdagdag si RJ Ramirez ng 11 points at 3 steals para sa pang-pitong sunod na ratsada ng Bacoor at itaas ang kanilang baraha sa 22-5 sa South division.
Nahulog naman ang marka ng GenSan sa 16-9 sa kabila ng pagbabalik ni Fil-Am standout Mike Williams mula sa United States.
Tumapos si Williams na may 17 points, 7 assists at 4 rebounds para sa Warriors, nakadikit sa 60-61 bago magpakawala ng 14-2 atake sina Mabulac, Ramirez at Oping Sumalinog para sa panalo ng Strikers.
Ang 133 total points naman ng Manila ang tumabon sa 125 markers ng Navotas.
Humataw si Carlo Lastimosa ng MPBL career-high 27 points bukod pa sa kanyang 8 rebounds at 5 assists para sa ika-23 panalo ng Manila sa 28 laro.
Nagtala si 6-foot-6 center Jonjon Gabriel ng 16 points at 8 rebounds habang may 15 markers at 5 boards si Gabby Espinas para sa Stars.
Nalasap naman ng Tamaraws ang 9-18 karta sa South division.
Samantala, pinatumba ng Cebu Casino Ethyl Alcohol ang Nueva Ecija Rice Vanguards, 77-73 para buhayin ang kanilang playoff drive sa South.
- Latest