Hiyasmin (212)
IBINULALAS lahat ni Mama Lira kay Nanay Julia ang mala-impiyernong buhay na pinagdaanan sa napatay na asawa.
Habang nakikinig si Nanay Julia ay gusto niyang mapaiyak dahil sa awa kay Mama Lira. Napakaraming hirap ang pinagdaanan ni Mama Lira.
Ayon kay Mama Lira, halos araw-araw daw ay binubugbog siya ng asawa. Kaunting pagtatalo lang daw ay sinusuntok siya at sinasampal. Kapag daw hindi nasunod agad ang iniuutos ay sinasaktan agad siya.
“Napapaiyak tuloy ako sa mga ikinukuwento mo Mareng Lira. Parang ang kuwento ng buhay mo ay teleserye.’’
“Tama ka Mare—baka mas mahigit pa sa teleserye.”
Napangiti si Nanay Julia sa sinabi ni Mama Lira. Aminado rin si Mama Lira na naging tanga siya—o baka mas mahigit pa roon—baka boba.
“Grabe ang ginawang pambabastos sa akin ng walanghiya kong asawa. Bukod sa pambubugbog sa akin, nagdadala pa ito ng babae at sa mismong kuwarto at kama pa namin nagtatalik.
“Nagpunta ako noon sa palengke. Nagulat ako pagbalik sa bahay. May narinig akong ungol sa aming kuwarto. Parang ungol ng babae. Binuksan ko ang pinto ng kuwarto at nakita kong nagtatalik ang mga walanghiya!”
Itutuloy
- Latest