Hiyasmin (122)

“Masarap ang siopao na ito, Sir Dax!’’ sabi ni Hiyasmin matapos kagatan ang siopao.

“Masarap nga yan! Kaya nga malakas ang loob ko na tanungin ka kaninang umaga kung ano ang gusto mong pasalubong dahil naisip ko ang siopao na ‘yan. Hindi ako mapapahiya.”

“Ngayon lang ako nakakain ng siopao na ganito kasarap. Ang mga natikman ko e hindi masarap ang dough—kitkit at dumidikit sa ngalangala.’’

“Laging ubos ang siopao sa mami house na yun. Kaya nga paglabas ko ng 1:00 p.m. deretso na ako roon. Mabuti at may inabutan pa ako.’’

“At saka ang sarap ng sauce, Sir Dax.’’

“May itatanong ako tungkol sa siopao. Sagutin mo.”

“Ano?”

“Paano makikilala ang siopao na lalaki?’’

Napangiti si Hiyasmin sa tanong. Nag-isip.

“Hindi ko alam. Paano?’’

“May egg.’’

Humagalpak ng tawa si Hiyasmin.

Pagkatapos ay tiningnan ang kinakain na siopao.

“Itong siopao ko ay walang egg, ibig sabihin, babae ito, Sir Dax?”

“Oo!’’

“Bakit?’’

“Wala ngang egg!’’

Tinampal ni Hiyasmin sa braso si Dax.

“Puro ka kalokohan.’’

“Pinatatawa lang kita. Alam kong marami kang ginawa rito sa bahay at pagod ka.’’

Napangiti lang si Hiyasmin.

KINAGABIHAN, hindi makatulog si Hiyasmin. Iniisip niya si Dax. Bakit kaya siya pinasalubungan nito ng siopao? Unang pagkaka­taon na pinasalubungan siya.

(Itutuloy)

Show comments