Hiyasmin (118)

“PERO palagay ko pa­niwalang-paniwala ang kolokoy na magsiyota tayo. Kasi dikit na dikit ka sa akin!’’ sabi ni Dax na nagtatawa.

“Sabi mo kasi dumikit ako!’’

“Para mapaniwala natin siya.’’

“Palagay ko nga paniwalang-paniwala sa drama natin, ha-ha-ha!”

“Bigla tuloy nagmamadali sa pag-alis!’’

“Sa palagay mo, sinundan ka rito o nagkataon lang?”

“Palagay ko, sinundan ako Sir Dax. Kasi nang lumabas ako sa classroom namin, napansin ko na naroon pa siya at nakikipagkuwentuhan. At siguro nang mapansin na lumabas ako ng room, palihim na sumunod.’’

Napatangu-tango si Dax.

“Kaya tumutol ka na kumain tayo sa restawran na dati nating kinainan ay dahil baka naroon ang lalaking yun?”

“Tama ka Sir Dax.’’

“Palagay ko, sinundan ka nga. Bakit nalaman niya na narito tayo? Talagang pinlano niya na sundan ka at alamin kung magsiyota nga tayo.’’

“Correct Sir Dax!”

“Palagay ko naman, ngayong nakita niya tayo na magkatabi at sweet, hindi ka na siguro kukulitin.’’
“Sana nga Sir Dax.”

“Kapag kinulit ka e isumbong mo sa akin.”

“Anong gagawin mo Sir Dax?’’

“E di pagsasabihan ko na huwag kang kulitin o gambalain dahil magsiyota tayo.’’

“Magagawa mo yun?’’

“Oo naman. Para yun lang!’’

“Baka naman mapaaway ka?’’

“Hindi naman siguro. Ipaaalam ko lang na huwag na siyang mangulit dahil may siyota ka na.’’

Napatitig si Hiyasmin kay Dax.

Napansin ni Dax ang pagkakatitig ni Hiyasmin.

“Ba’t ka napatitig sa akin?’’

Ibinaba ni Hiyas­min ang tingin.

“May masama ba sa nasabi ko?’’

“Wala Sir Dax. Naisip ko lang, natulungan mo  na naman ako. Kahit sa ganitong problema, mayroon ka na namang nagawa sa akin na kapaki-pakinabang. Marami na akong utang sa’yo.’’ (Itutuloy)

Show comments