Hiyasmin (56)
Pumasok na sa school si Hiyasmin. Pero bago umalis, ipinagluto muna ng pagkain si Dax at inihanda ang iinuming gamot. Inihanda rin ang damit na pambahay na susuutin.
“Sige na, Hiyasmin, pumasok ka na at baka ka ma-late. Ako na ang bahala, kaya ko na ang lahat. Salamat.’’
“Huwag mong kalimutan ang pag-inom ng gamot Sir Dax. Para tuluy-tuloy na ang paggaling mo.’’
“Okey.’’
Umalis na si Hiyasmin.
Nang makaalis si Hiyasmin ay nananatili sa pagkakahiga si Dax.
Maaasahan talaga si Hiyasmin. Hindi siya nagkamali sa pagpapaaral at pagpapatira sa kanyang bahay. Bihira ang ganitong tao na maaasahan, mapagkakatiwalaan at higit sa lahat, hindi nang-iiwan at handang tumulong.
Masarap palang may kasama sa bahay na katulad ni Hiyasmin. Nasira ang kanyang dating plano na mag-isa sa mga ginawa ni Hiyasmin.
Binalikan niya ang pag-aasikaso sa kanya ni Hiyasmin habang nilalagnat siya. Ipinagluto siya nang mainit na sabaw at tinutukan ang pagpapainom ng gamot. Napaka-responsible na babae! Bukod doon ay masipag at matiyaga!
Parang hindi na niya kaya na walang kasama sa bahay. Gusto na niyang kasama si Hiyasmin.
(Itutuloy)
- Latest