“Nakakahanga ang ama na ikinuwento mo, Brent,’’ sabi ni Julio. “Sa kabila na pinugayan siya ng dangal ng kanyang asawa ay nagawa niyang magpigil at hindi na pinlanong gumanti sa nangaliwang asawa.’’
“Oo Julio. Nakakahanga talaga ang ama. Mabibilang na lamang siguro ang makagagawa ng ganun. Siguro kung sa ibang lalaki nangyari iyon ay baka napatay na ang asawa at kalaguyo nito. Pero kinontrol niya ang sarili. Hindi niya hinayaang mangibabaw sa kanya ang galit na maaaring ikasama rin niya.
“Ang naisip agad niya ay ang magiging kalagayan ng kanyang dalawang anak sakali at mapatay niya ang nga taksil? Sino ang kukupkop sa mga ito? Baka mapariwara ang buhay kung walang gagabay. Baka malulong sa bawal na gamot. Kaya, kinontrol niya ang galit. At nagtagumpay siya sa ginawa. Hindi nadungisan ang kanyang mga kamay.
“Mag-isa niyang itinaguyod ang dalawang anak. Nagpatuloy siya sa pagiging bus driver at napagtapos ang panganay na anak sa pag-aaral sa kolehiyo. Nang makapagtrabaho ang panganay, siya na ang nagpaaral sa bunsong kapatid.’’
“Nakakahanga rin ang panganay na anak. Nagtulungan silang magkapatid. Bihira na ang mga anak na ganyan ngayon.’’
“Oo nga Julio.’’
At may pinagtapat si Brent kay Julio.
“Ako ang batang nakasaksi sa pangangalunya ng kanyang ina, Julio.’’
“Ha? Ikaw?’’
(Itutuloy)