KASUNOD nang pag-hawak sa braso ni Lyka ay ang biglang pagbangon ng nakahiga. Sa isang iglap, mabilis na inilagay ang posas sa kamay ni Lyka. Klik! At sa isa pang kamay! Klik! Nakaposas na si Lyka na noon ay putlang-putla sa hindi inaasahang pangyayari. Hindi siya makakilos sa kinatatayuan dahil sa bilis nang pangyayari.
At lalo siyang nagulat nang malaman na hindi si Mau ang nakahiga kundi isang pulis.
Nagpakilala ang lalaki na isang pulis at sinabi na inaaresto siya sa isinampang kaso sa kanya. Sinabi ng pulis ang nakasampang kaso at kabilang dito ang panununog na ikinamatay ng isang tao. Mabigat ang kaso at may mga testigo. Sinabi ng pulis na matagal na siyang minamatyagan kaya nagsagawa ng operation laban sa kanya.
Sa kabila niyon, hindi pa rin nagpatinag si Lyka at matapang na nagbanta.
“Hindi n’yo ako maipapakulong. Lalaban ako! Lalaban ako!’’
Dinala na ng pulis si Lyka. Nagpipiglas ito habang inilalabas sa room. Naghihintay naman pala sa labas si Tata Kandoy at si Gaude. Nakita sila ni Lyka. Mi-nura sila ni Lyka.
“Putang ina n’yo, babalikan ko kayo! Hindi ako titigil hangga’t hindi ako nakakaganti!”
Pero ngumiti lamang si Tata Kandoy. Wala namang imik si Gaude. Nakatingin lang ito kay Lyka. Nagbayad din si Lyka sa mga ginawa sa kanya.
Isinakay si Lyka sa police car at mabilis na umalis.
“Ang galing ng naisip mo Gaude!” sabi ni Tata Kandoy. “Akalain mo, naisip mong magpanggap na si Mau ang pulis. Paano mo naisip ‘yun?”
“Kasi po’y nakita ko siya nang unang magtungo rito. Kahit po naka-disguise siya, namukhaan ko siya. At natiyak ko, babalik siya.’’
“Nagbalik nga at nagsuot-nurse pa. Ayun nahuli siya. Tiyak na mabubulok na siya sa Munti.’’
“Pero nagbanta po, Lolo. Babalikan daw tayo.”
“Hindi na siya makakalabas sa bilangguan.’’
“Paano po kung makatakas?’’
“Hindi na makakatakas ‘yun!”
“Sana nga po.’’
“Halika, puntahan natin si Mau. Tiyak na magugulat siya sa nangyari.’’
Tinungo nila ang room na pinagdalhan kay Mau.
(Itutuloy)