Marco, dalawang beses nahuli ni Cristine na may ibang babae?!

Bukod sa isyung hiwalayan nina Kobe Paras at Kyline Alcantara, napapag-usapan din ang diumano’y hiwalayan naman nina Cristine Reyes at Marco Gumabao na nag-umpisa nang mag-unfollow sila sa isa’t-isa.
Pero ang latest ay nag-follow pala uli si Cristine kay Marco. Ano kaya ang ibig sabihin nu’n?
Pero ayon sa isa pang nasagap na kuwento, napagdudahang may problema talaga ang dalawa dahil hindi raw nagpakita si Marco sa burol ng tatay-tatayan ni Cristine na tinatawag niyang Daddy Metring.
Pumunta raw ang kapatid ni Marco na si Michele Gumabao na bagong kasal, pero wala ‘yung actor.
Abala kasi si Marco sa pangangampanya sa Camarines Sur, na kung saan tumatakbo siyang congressman sa 4th district ng naturang lalawigan.
Kaya diumano’y wala pang panahon ito na sagutin ang isyung ‘yun, lalo na’t may kuwentong may third party raw at dalawang beses na diumano itong nahuli ni Cristine.
Kaya tuloy, sa babae pa rin ang simpatiya ng netizens sa isyung ito.
Jomari, gustong maging ambassador ng Spain
Maraming plano si Jomari Yllana sa kanyang showbiz at political career ngayong hindi na siya tumatakbo sa paparating na eleksyon.
Tapos na ang termino niya bilang konsehal ng 1st district ng Parañaque. Kaya tumutulong siya ngayon sa kandidatura naman ng asawa niyang si Abby Viduya bilang konsehal din ng naturang distrito.
Isa sa gustong pagkaabalahan ni Jomari ay mag-produce ng documentary, at mag-publish ng magazine tungkol sa Philippine Motor Sports. “We’re launching a magazine. Philippine Motor Sports, parang FHM meets Top Gear, parang ganun. Isa ‘yun sa plano,” pakli ni Jomari nang maka-lunch namin sa Baclaran noong Biyernes kasama ang asawang si Abby.
“And with production, pag-artista ‘yung ganyan. ‘Yung isa, docu series. Siguro a year and half, two years para mabuo.
“I’m working together with direk Lore Reyes. I’m pulling him out from retirement,” napangiti niyang pakli.
Ilulunsad na rin ni Jomari ang annual event niyang Motorsport Carnivale, pero pagdating sa showbiz ay marami pa raw siyang gustong gawin.
Gusto raw niyang pag-aralan ang musical scoring.
“Excited ako to seek for the best education when it comes to musical scoring.
“‘Pag ‘yun nakuha ko, ang next step ko is to direct. Kasi ‘yung production, mundo ko na ‘yun e. 20, 25 years. ‘Yung direction, hindi ko pa sinusubukan. Pero magkakaroon ako ng confidence kung ang music sa akin.
“So, I’ll take this course. And as soon as ma-take ko ‘yung course ng musical scoring, and ako ‘yung maglalatag ng music, I think I’ll be prepared to direct,” dagdag niyang pahayag.
Pagdating naman sa politics, puwede naman daw siyang tumakbo sa ibang position sa susunod na eleksyon, pero may isa pa pala siyang ambisyon para sa kanyang ina.
“Gusto kong maging ambassador ng Spain,” napangiting tugon ni Jomari.
“Ang roots ng mom ko, is from Mallorca. So, sabi ko, pangako ko sa Mommy ko, nung she got better, nung nakakausap na, nakakalakad na? Sabi ko, ‘bigyan mo ako ng konting panahon dadalhin kita sa lugar kung saan nanggaling ‘yung roots mo,” dagdag niyang pahayag.
“And then, kuwento, kuwentuhan, pinsan ko pala si champion tennis player Rafael Nadal. So, parang sa akin, sabi ko ‘Mom, sige, mangangarap lang din ako e, okay lang ba sa ‘yo maging ambassador ako ng Spain?’
“Tawa siya nang tawa. Tapos sabi ko, ‘for whatever, dadalhin kita dun, kung saan ka nagsimula, ‘yung bloodline mo kung saan nanggaling.
“Pero ano ‘yan, nire-request ‘yan, ina-apply ‘yan ‘yung position na ‘yan. Kasi appointment siya,” sabi pa ng actor/politician.
Nagpapasalamat na sila ngayon dahil okay na okay na raw ang kanilang ina, pagkatapos itong na-coma ng 40 days.
Dahil doon ay naging okay na raw silang magkakapatid lalo na sila ni Anjo Yllana. Hindi na raw nila pinag-usapan, basta nagkaayos na lang daw sila.
“‘Pag pinagdasal mo, and sa sitwasyon na ganyan, maliit kaming pamilya. Apat kaming magkakapatid, tapos nasa sitwasyon na alanganin ‘yung magulang mo, isa na lang ‘yung magulang namin. Sino pa ba magtutulungan?
“Malasakit sa pamilya at sa magulang. So, wala nang kailangan pang pag-usapan,” saad ni Jomari.
- Latest