Aicelle, inaming naging ‘unfaithful’
Nakaramdam ng sobrang pressure si Aicelle Santos dahil sa pagiging pangunahing bida sa Isang Himala. Isa ito sa mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival 2024 ngayong Kapaskuhan. Ginampanan ng Kapuso actress ang karakter ni Elsa na unang ginampanan noong 1982 ni Nora Aunor. “Una sa lahat, walang makakapantay o makakahigit sa nag-iisang Superstar at National Artist na si Ms. Nora Aunor. Of course, I am pressured. Big shoes to fill ‘to. Ito ay karakter na pinag-aralan. We stayed faithful to the script but also unfaithful. ‘Yon ang exact term ni direk Pepe Diokno,” bungad sa amin ni Aicelle sa Fast Talk with Boy Abunda.
Para sa singer-actress ay talagang kailangang huwag palampasin ng mga manonood ang naturang MMFF entry. Kabilang din sa pelikula sina Bituin Escalante, David Ezra, Victor Robinson III, Neomi Gonzales, Kakki Teodoro at Sweet Plantado. “’Yung cast po namin na dinala sa film ngayong Metro Manila Film Festival. It was already a musical back in 2018-2019. Ito ay isang obra ni Sir Ricky Lee na ating National Artist. Nagsasama-sama dito ang pinakamagagaling na theater actors ng ating bansa. May expectations ako para sa pelikula, napakaganda. Ito ay isang sobra na dapat makita ng lahat ng Pilipino. You’ll be proud to be a Filipino if you see this film. I am very thankful dahil nagawa ko itong film na ito para sa henerasyon ngayon,” giit ng aktres.
Bilang paghahanda ay kinailangang pag-aralang mabuti ni Aicelle ang karakter at ang tunay na kwento ng pelikula. “Ako personally blangko, and really just studied the script. Do’n kami nag-umpisa and slowly we built the script. And slowly, we built the barrio. Kung ano ‘yung pakikipag-ugnayan namin sa bawat karakter. Hindi naman ito tungkol lang kay Elsa, sa isang komunidad na bumubuo ng barrio Cupang. Doon namin sinimulan kung ano talaga ang kwento niya, kung ano ang nakita niya, kung ano ang himala na gusto niyang i-share sa buong komunidad. Totoong may himala,” paglalahad ng singer-actress.
Maui, ‘di nilihim sa mga anak ang pagpapaseksi
Isa si Maui Taylor sa pinakasikat na sexy actress sa bansa mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas. Napabilang din ang aktres noon sa grupong Viva Hotbabes. Para kay Maui ay isang malaking karangalan na naging sexy icon at pinapantasya ng mga kalalakihan noon. “It’s more of hindi maiiwasan ‘yon eh. Kasi babae nga na nakabihis nang balot na balot pinapantasyahan eh. What more kami na nagse-sexy,” nakangiting pahayag ni Maui sa Lutong Bahay.
Ngayon ay mayroon ng dalawang anak na lalaki ang aktres. Hindi raw inilihim ni Maui sa mga anak ang kanyang trabaho. “Alam lang nila, sasabihin lang nila, ‘Mommy is an actress.’ Feeling ko wala pa silang nakikita (na sexy films). But I’m ready to... when the time comes. Kasi ‘yung eldest ko is 11 (years old) na. Konti na lang ‘yon magtatanong na ‘yan,” pagbabahagi niya.
Kahit nagkahiwalay na ay maayos naman umano ang pakikitungo ng ama ng mga anak kay Maui. “Dati we were in one house, now no more na. We’ve really separated. Ang concern n’yo dapat is ‘yung for the welfare ng mga bata. ‘Yon dapat ang focus. Kung meron man kayong away, isantabi n’yo muna. Kasi hindi siya makakatulong while deciding for what’s good eh para sa anak ninyo eh,” pagtatapat ng dating sexy actress. (Reports from JCC)
- Latest