Shocking ang role ni Nadine Lustre sa Metro Manila Film Festival entry ng Mentorque Productions na Uninvited starring Star for All Seasons Vilma Santos at Aga Muhlach.
Sa ipinakitang full trailer sa ginanap na bonggang grand presscon ng pelikula sa Solaire North, Quezon City last Wednesday night, pasabog ang kanyang pagmumura sa papel na ginagampanan ni Aga Muhlach (bilang kanyang ama).
Pero naka-relate ba siya sa ginampanang character sa pelikulang biggest entry sa gaganaping 50th anniversary ng Metro Manila Film Festival ngayong taon?
“Medyo mahirap, kasi sobrang opposite kami ni Nicole (karakter niya sa Uninvited). Sobrang extreme siya, mayaman, lahat ng bisyo ginagawa niya, in a way parang may hatred siya towards her dad (Aga), at kung ano man ang nangyayari sa mundo niya,” umpisa niya.
Dagdag niya : “Ako naman chill lang kasi ako, and also my relationship with my dad is not exactly the same. Pero ang similarity siguro namin ni Nicole is pareho kaming palaban.
“That scene (‘yung minura-mura ni Nadine si Aga) actually was very hard, kasi every time after ng eksena, naalala ko palaging may added scene si Kuya Aga na, as in after the scene, paglabas ko ng pintuan, tawa ako nang tawa.
“I don’t know if it’s gonna be in the film. Pero, iba talaga ang pakiramdam na makaeksena ko si Kuya Aga.
“Hindi naman awkward, pero I mean, if anything, mas natuwa ako na naitawid namin ang eksena. Pero sa trailer, medyo triggering siya. I guess, nakakatawa lang kasi, knowing Kuya Aga, sobrang layo rin ng personality niya sa character niya,” paliwanag pa ni Nadine sa kanyang papel na isang mayamang heiress na ang estranged relationship sa kanyang ama (played by Aga Muhlach) ay pinalakas lang ng pera.
Kaya naman pinaghandaan niya ang kanyang role. “Inaaral ko talaga ang scene, and I really try to put myself in the shoes of my character. Pero ang mga intense scenes talaga namin, mahaba-habang rehearsals din ang ginawa namin.
“Especially because ang mga shot, mahirap din ‘yung paulit-ulit. So, a lot of rehearsing din. Inaaral ko talaga siya. Mahilig din kasi ako mag-imagine. I think one of the skills that I have, is that, I really put myself in the shoes of my character. So kahit hindi ko napagdaanan, or wala akong experience sa bagay na naranasan ng character ko, parang nararamdaman ko na rin siya,” mahabang paliwanag ng actress na aminadong nang malaman niyang sina Ate Vi Aga ang makakasama niya sa pelikula ay hindi pa man niya alam kung anong role ay tinanggap na kaagad niya ang pelikula.
“Nu’ng pinitch po kasi sa akin nina direk Dan (Villegas) ‘yung project, nakakatawa, ‘yung una nilang ginawa is sinabi nila ‘yung mga kasama sa film, tapos after nu’n parang nagbigay sila ng synopsis ng kwento. Hindi pa tapos ‘yung pag-e-explain nila direk du’n and all, sabi ko, ‘direk, game na,’” kuwento pa niya sa ginanap na presscon.
“Kasi, I mean, kelan ko ba masasabi na nakatrabaho ko silang lahat in one film? So, siyempre, this is an opportunity of a lifetime, so agad-agad tinanggap ko siya.
Pero aminado siyang kinabahan siya sa unang salang nila sa shooting. “Kasi nga, bigatin nga ‘yung mga kasama ko, but then, everyone was so welcoming, everyone was so nice, kuya Aga and ate Vi, so, mawawala talaga ‘yung kaba mo.
“And I think, ‘yung pressure and ‘yung kaba na ‘yun just really turned to parang mas more on just wanted to have a good time, wanted to do my best and of course, to enjoy working on the film.”
Nauna nang nagbida sa pelikulang Deleter si Nadine kung saan isa rin itong horror film.
Ibang-iba ito sa lahat ng mga role na nagawa na niya noon.
Kilala siya actually ng lahat mula sa mga romcom at drama — romance stuff. “My roles are always mabait na anak, palaban, pero mabait. This time, I was able to explore and try a different side of acting.
“I wanted you to see ano pa kaya kong gawin. Sobrang extreme from my previous characters — something I always wanted to do. I love exploring. Hopefully, maging darker characters ko,” sabi pa niya.