The Clash tatapusin na...
PIK: Pagkatapos kumpirmahin ni dating Sen. Jinggoy Estrada na kakandidato siya sa 2019 elections, ipinakilala na rin niya sa mga kaibigang movie press si San Juan Vice Mayor Janella Ejercito na kinumpirma na ring pagka-alkalde ng naturang lungsod ang tatakbuhan niya.
May ilang kaibigan sa showbiz na ngayon pa lang ay nagpahayag na ng suporta kay VM Janella.
Isa na nga rito ang babaeng dating malapit kay James Yap.
Napapag-usapan na rin kasing tatakbo na rin daw si James pero sa ilalim ng partido na tumapat kina Janella.
Ipinagkibit balikat na lang ito ni Janella dahil hindi naman daw talaga sila magkaibigan. Kaya wala naman daw siyang masasabi tungkol dun.
Natuwa naman daw siya na may mga tumawag sa kanya para sumuporta. Tiyak na magkakaintriga kapag lumabas na ang babaeng ito para sumuporta kay Janella, at hindi kay James.
PAK: Narinig kong pinag-uusapan ng ilang production staff sa isang malaking TV network na sinusumpa nilang ayaw na nilang makatrabaho itong si mestiso at guwapong young actor.
Sobrang attitude daw na kung umasta ay sikat na sikat na ito, eh hindi naman.
Sabi nga ng ilang staff, baka nga raw ‘yun ang dahilan kung bakit nauudlot ang pagsikat nitong mestisong young actor dahil sa working attitude nito.
Late daw kung dumating sa set at nanininghal pa raw ng staff na lumalapit at nagbibigay ng instruction.
At kapag na-late, hindi man lang daw marunong mag-sorry sa mga katrabahong naghihintay sa kanya.
Meron pa raw minsan na pinapabasa sa kanya ang spiel, ayaw daw niyang basahin.
Deretsahan daw niyang sinasabi sa mga staff na huwag silang umasa na basahin ang spiel na iyun, dahil hindi raw niya talaga gagawin.
Kaya never na raw! Never na raw talaga nila kukunin itong si mestisong young actor kung hindi ito magbabago.
Nagdududa raw tuloy sila na baka may bisyo ito kaya ganun daw kung umasta ang batang ito.
BOOM: Impressive ang top 12 ng The Clash na ipinakilala sa movie press nung isang gabi.
Ang gagaling talaga nilang kumanta at hindi mo talaga mahuhulaan kung sino ang posibleng magwagi.
Hindi lang nila maibahagi ang proseso nang pagpili ng winners.
So far, top 12 lang muna, at sa darating na weekend, sampu na ang maiiwan.
Pero nakakapanghinayang kung hindi na magamit ang galing ng clashers pagkatapos ng competition.
Ang sabi naman ng SVP for Entertainment na si Ma’am Lilybeth Rasonable, very possible daw na magkaroon ng isang magandang musical show para magamit itong mga clashers.
So, far ang paborito namin sa kanilang 12 contenders; ang labandera at tindera sa Cebu na si Mommy Esterlina Olmedo na tinaguriang Mommy Tiger ng Cebu, ang Tower of Power ng Olongapo na si Garret Bolden, at Kyryll Ugdiman, na tinaguriang Millennial Chick ng Iloilo.
Doon din sa presscon ng top 12 ng The Clash, kinorner namin ang SVP for Entertainment ng GMA 7 na si Ma’am Lilybeth Rasonable para sagutin ang isyu kay Regine Velasquez na napapag-usapang iiwan na raw ang GMA 7.
Sabi naman ni Ma’am Lilybeth, mawawala muna si Regine pagkatapos ng The Clash dahil meron siyang US concert tour.
Pagbalik niya ay siguro dun na lang hintayin ang announcement.
“Nag-usap na kami,” pakli ni Ma’am Lilybeth tungkol sa isyu kay Regine.
“Siguro habang wala pang ina-announce officially either from the network or from Regine, those are all just hearsay or speculation.
“So…yun as I’ve said, habang walang in-announce nothing is confirmed,” dagdag niyang pahayag.