Nagtatanungan ang mga reporters kung meron ba silang natanggap na regalo mula sa isang pamosong male personality?
Umiling na lang ang iba, ang iba nama’y parang hindi na interesadong sumagot, dahil sanay na sanay na sila sa hindi pag-alala ng kilalang-kilalang lalaking personalidad sa mga taong nakatutulong sa kanya.
Binalikan ng mga reporters ang unang-unang taon ng pagpasok sa pag-aartista ng pamosong male personality hanggang sa mismong oras na nagtatanungan sila. Oo nga, napaka-consistent ng male personality, mula nu’n hanggang ngayon ay hindi naman pala siya makaalalang magregalo sa kahit sinong may malaking naitutulong sa kanyang career, hindi na pala bago ‘yun.
Hirit pa ng isa sa umpukan, “Kahit nga makasabay mo siyang kumain sa restaurant na nasa mismong building ng network nila, hindi naman siya nanglilibre kahit pabalat-bunga lang!
“Waley, basta lalafang lang siya nang lalafang, wala siyang pakialam sa ibang tao, makasarili ang lalaking ‘yun! Wala na siyang ka-PR-PR, napakakuring pa niya!”
Ang ibang artista ay nagpapagawa ng mga pang-giveaway nila kapag Pasko, ang iba namang personalidad ay ipinamamahala na lang sa management office nila ang pagbili ng mga regalo, pero ang kilalang-kilalang male figure na ito ay walang pakialam.
Sabi ng isang source sa umpukan, “Alangan namang magbibigay ang management office nila ng para sa kanya, samantalang wala naman siyang ibinibigay na pambili na kagaya ng mga kasamahan niya?
“Saan nga kaya nauuwi ang malaking talent fee niya? Maganda ang kinikita niya, marami siyang raket, pero bakit hindi man lang siya maglaan nang kahit konting halagang pambili ng mga regalo sa mga taong nakatutulong sa career niya?”
May isang sumagot habang nakataas ang kilay, “Ako, alam ko kung saan napupunta ang kinikita niya! Alam na alam ko! Knows ko, promise!
“Pero bago ako, paaminin n’yo muna ang mga Boogie Wonderland na palagi niyang kausap! Pag umamin sila, kukuda na rin ako!” madiing sabi ng source.
Ubos!
Fans hindi sumuporta, natakot sa bagyo? Pelikula ni Nora sa MMFF kailangan ng himala!
Kundi ba naman talagang inaalat ang mga pelikulang lahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF). Sino ba ang mag-aakala na makiki-eksena pa ang bagyong Nina sa mismong Kapaskuhan?
Napakaraming araw na puwedeng manalanta ang bagyo, pero tumiyempo pa sa Pasko, kung kailan may ipinagdiriwang ang buong mundo ay saka pa ito nakisali.
Malaking kabawasan sa kikitain sa takilya ng walong pelikulang lahok sa MMFF ang hindi kagandahang klima. Kung ‘yung wala ngang bagyo ay tamad na tamad na silang lumabas ng bahay dahil sa sobrang trapik, ‘yung may bagyo pa kaya, lalong hindi na lalabas sa kalye para manood ng sine ang ating mga kababayan.
Ayon sa aming mga kaibigan ay napanood na nila ang Die Beautiful ni Paolo Ballesteros, maayos-maganda raw ang kabuuan ng pelikula, hindi raw nakapagtatakang binigyan ng parangal sa Tokyo ang isa sa tatlong lola.
Komento pa ng mga kausap namin, “Napansin lang naming magkakaibigan, sa mall kasi kami nanood, parang walang pakialam ang mga tao sa movie ni Nora Aunor. Parang dati rin, natanggal agad sa mga sinehan ang movie niya.
“Sana, suportahan siya ng mga fans niya. Sana, hindi lang sila nag-iingay at nang-aaway, ibaling na lang nila sa pagsuporta kay Nora ang oras nila.
“Nakakaawa ang movie niya, hindi na nga nabigyan ng grade ng Cinema Evaluation Board, hindi pa tinatao,” balita ng aming mga kaibigan.
Harinawang magkaroon ng himala para sa pelikula ni Nora Aunor. Puwede namang mangyari ‘yun kundi siya pababayaan ng kanyang mga tagahanga na palaging abala sa pang-aaway sa mga kolumnistang hindi nila kapanalig.