Mga pulis, pinagda-diet ni Gen. Torre!
NAIS ni PNP chief Gen. Nicolas Torre III na mag-diet-diet ang mga pulis kung pangarap nilang ma-promote. Iniutos ni Torre na ang mga pulis ay mag-exercise upang makamtan ang normal na body mass index (BMI) para maging epektibo sila sa kampanya laban sa kriminalidad o droga at iba ang threat sa mamamayan.
Kung sabagay, paano makahahabol sa mga kriminal ang mga pulis kung sobrang taba nila? Tiyak sasakit ang tuhod nila kapag overweight sila. Para pumasa sa diet-diet program ni Torre, kailangan ang isang pulis ay makapagsagawa ng 100 push-ups.
Kaya ang mga pulis mula patrolman hanggang heneral ay magkanya-kanyang exercise simula kahapon para matugunan ang kautusan ni Torre. Ang parusa? Ang overweight na pulis ay hindi makapag-schooling, na isang prerequisite sa promotion. Nakupooo! Nadagdagan pa ang resibo sa requirement ng promotion ng mga pulis. Ganun na nga!
Kung sabagay, hindi naman bago itong kampanya laban sa mga overweight na pulis. Ipinatupad din ito noong panahon ni Sen. Ping Lacson kung saan may mga pulis pa nga na natigok habang tumatakbo o nagsasagawa ng physical fitness test sa oval sa Camp Crame. Kaya mga kosa ko, ‘wag sumabak sa PFT kapag wala kayo sa kundisyon ha? Dahan-dahan muna ang ehersisyo hanggang masanay na ang katawan n’yo at tsaka na kayo bibira ng todo. Eh di wow!
“I will not recommend kung anong klaseng exercise ang kailangan niyo,” ‘yan po ang bilin ni Torre sa kanyang mga tauhan. “ You have to consult your doctors kung anong klaseng exercise ang puwede sa iyo but ang makita niya dapat meron ka naman ding efforts to lose weight at maging physically acceptable sa mata ng ating mga kababayan,” ani Torre. Ang sakit sa bangs nito!
Ipinaliwanag ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajrado na itong BMI requirement ay parte ng physical fitness program ng PNP upang ma-professionalize ang organisasyon. Aniya, sa BMI ang pagsukat ng body fat ay base sa height at weight ng adult na lalaki at babae. Ang pagsuma nito ay ang paghati ng weight ng isang nilalang sa kilograms vs height nito sa metro. Ang ideal na BMI sa adults ay 18.5 hanggang 24.9 samantalang ang 25 hanggang 29.9 ay kinokonsidera na overweight. Ang nasa 30 naman pataas ay obese na. Araguyyy! Maraming pulis natin ang tatamaan nito. Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Si Torre kasi mga kosa ay isang health buff. Palagi itong nakikita sa oval na nagjo-jogging after office hours. Kaya physically fit s’ya at sisiw lang sa kanya ang 100 pushups.
“I understand sa lahat ng PFT niya matataas kung di 100 ang score nun so talagang na challenge. Talagang very challenging on the part of other policemen na siguro malalaki na ngayon pa lang ay mag-jogging na tayo,” ang hamon ni Fajardo. Ipinaliwanag ni Fajardo na ang lahat ng pulis na hindi pumasa sa BMI ay hindi papayagang makapag-schooling, na isang requirement para sa promotion. Araguyyy!
“Malinaw naman yan sa ating circular na kapag bumagsak ng dalawa beses sa PFT na magkasunod ay hindi ka pupuwedeng ma-promote. Nasa policy na natin yan at hindi ka rin pupuwede mag avail ng schooling ng training. Kung yun ang makakapag disqualify sa iyo pagdating ng promotion, sa schooling ay siguro ang bawat pulis ay magdadalawang isip na ibalewala ito dahil maaapektuhan yung kanilang promotion,” sabi pa ni Fajardo.
Kaya sa mga overweight na pulis dyan, dahan-dahan na kayong mag-pushups, pullup at sit-ups. Sa totoo lang, para din naman ‘yan sa kapakanan n’yo. Hindi parusa ‘yan! Abangan!
- Latest
- Trending