Negosyante nanlaban sa holdaper, binoga!
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Patay ang isang negosyante nang barilin ng riding-in-tandem nang magtangka umano siyang manlaban habang hinoholdap sa isang burger store sa bayan ng Sta. Maria, dito sa lalawigan, kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Cris Mendoza, ng Brgy.Tabing Bakod.
Sa CCTV footages nitong madaling araw ng Lingggo, Hunyo 22 at sa video na nag-viral sa social media, kitang dumating ang dalawang riding-in-tandem sa gasolinahan at ilang saglit ay pumunta ang dalawang lalaking angkas sa kalapit na burgeran. Nang makarating ay biglang hinablot ng isa sa suspek ang bag ng biktima subalit hindi niya ito ibinigay hanggang sa napahiga. Dito na siya walang kaabug-abog na binaril ng isa sa mga suspek.
Samantala, ang kasamahan naman ng suspek ay sinakyan ang nakaparadang Yamaha NMAX umano ng biktima na inangkasan ng suspek na bumaril at mabilis na tumakas kasabay ang dalawa pang back up na rider. Kita rin sa video ang pagmamakaawa ng biktimang duguan sa ilang indibiduwal na naroroon na humihingi ng tubig at nagsabing nahihirapan na siyang huminga habang nakahandusay.
- Latest