Trike driver niratrat sa Rizal, todas!

MANILA, Philippines — Patay ang isang tricycle driver nang pagbabarilin ng isang motorcycle rider sa kanilang tahanan sa Angono, Rizal kamakalawa.
Dead-on-arrival sa Rizal Provincial Hospital System ang biktimang si alyas “Tony,’ 49, ng Brgy. Kalayaan, sa Angono dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Bigo naman ang mga testigo na makilala ang suspek na inilarawang may taas na 5’2”, nakasuot ng itim na t-shirt, at itim na pantalon, dahil sa suot nitong itim na helmet.
Batay sa ulat ng Angono Municipal Police, dakong alas-4:55 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa tahanan ng biktima sa Brgy. Kalayaan.
Lumilitaw na paalis na sana ng bahay ang biktima, kasama ang kanyang asawa, nang bigla na lang sumulpot ang suspek at kaagad siyang pinagbabaril.
Nang matiyak na napuruhan ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek lulan ng kanyang motorsiklo, bitbit ang ‘di pa batid na kalibre ng baril.
- Latest