2 binatilyong NPA na sugatan sa engkuwentro, nasukol
MANILA, Philippines — Dalawang sugatang menor-de-edad na pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nadakip ng tropa ng mga sundalo matapos makorner sa hot pursuit operation sa Brgy. Datu Ito Andong, Kalamansig, Siultan Kudarat nitong Sabado.
Kinilala ni Col. Roden Orbon, spokesperson ng Army’s 6th Infantry Division (ID) ang mga sugatang nadakip sa mga alyas na “Digbay”, 16-anyos, may tama ng bala sa kanang bahagi ng binti, at alyas “Mario”, 17 taong gulang na nasugatan naman sa likuran.
Sinabi ni Orbon na sina Digbay at Mario ay mga kasamahan ng grupo ng mga rebelde na nakasagupa ng tropa ng mga sundalo noong Hunyo 19 ng taong ito sa nasabi ring Barangay.
Sa nasabing bakbakan ay nagbuwis ng buhay ang isang sundalo habang napaslang din ang tatlong lider ng NPA rebels.
Sa hot pursuit operations ay nakorner naman ng mga sundalo ang dalawang sugatang rebelde na kanilang nasakote. Nakumpiska mula sa mga ito ang isang M16 rifles at tatlong magazines.
Ang dalawang binatilyong rebelde ay unang dinala sa Kalamansig Rural Health Unit (RHU) kung saan sila ay nilapatan ng pangunahing lunas bago ibiniyahe patungo sa Camp Siongco Station Hospital para sa pagpapatuloy ng kanilang medikasyon.
“The continued recruitment of children by these terrorist groups is alarming and not only destroys their future but also places them in immense danger. We condemn such activities and we are actively working to stop them for the sake of our youth and communities,” pahayag naman ni Lt. Col. Christopher Capuyan, Commander ng Army’s 37th Infantry Battalion (IB).
- Latest