Ozamiz at Capiz nagtala ng unang kaso ng Mpox
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng mga opisyal na maging ang Ozamiz City sa Misamis Occidental ay nakapagtala na rin ng isang kaso ng Mpox (Monkeypox).
Sa isang pahayag, sinabi ni Ozamiz City Mayor Indy Oaminal na base sa impormasyon na ipinalabas ng Regional Epidemiology Surveillance and Disaster Response Unit ng Department of Health (DOH) Region X ay isang pasyente ang nagpositibo sa nasabing virus sa kanilang lungsod.
Gayunman, hindi tinukoy ng opisyal ang pagkakakilanlan ng nasabing pasyente na naka-isolate na ngayon sa Mayor Hilarion Ramiro Sr. Medical Center at patuloy na nilalapatan ng lunas habang unti-unting nakakarekober.
Samantala, kinumpirma rin ng mga opisyal ng Capiz ang unang kaso ng Mpox (Monkeypox) habang pito pa ang hinihinalang dinapuan din ng karamdaman ang minomonitor, ayon sa ulat nitong Sabado.
Ito ang inianunsiyo ng mga health officials ng Provincial Health Office (PHO) ng lalawigan.
Sa report ng Capiz PHO, sa dalawang pinaghihinalaang kaso ng Mpox na una nang isinailalim sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), isa rito ang nagpositibo sa karamdaman at isa ang negatibo.
Ang pasyenteng nagpositibo ay kasalukuyang nasa “home isolation” at patuloy na nagpapagaling.
Samantala, may pitong close contact ng naturang nagpositibo sa Mpox sa Capiz ang patuloy na minomonitor ang kondisyon ng kanilang kalusugan.
Nakikipagkoordinasyon na ang PHO sa 17 local health offices at mga hospital ng gobyerno gayundin sa Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTS) para sa mahigpit na monitoring at pagtugon sa mga kaso ng Mpox para mapigilan ang epidemya ng virus.
- Latest