2 motorsiklo nagsalpukan: 2 dedo, 1 sugatan

TIWI, Albay, Philippines — Dalawa katao ang nasawi habang isa ang malubhang nasugatan matapos magbanggaan ang dalawang motorsiklo sa kahabaan ng national highway sa Purok-5, Brgy.Belen, Tiwi, Albay kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the spot ang 61-anyos na rider na si Renzo, may-asawa, residente ng Purok-3, Brgy. Libtong; habang nasawi naman habang nilalapatan ng lunas sa Bicol Regional Hospital and Medical Center sa Legazpi City ang 17-anyos na backride ng kabanggaang motorsiklo na si alyas “Carlo”, ng Brgy.Bagumbayan. Patuloy na inoobserbahan ang lagay ng isa pang rider na si Benjie, 15-anyos, ng Brgy.Cale.
Sa ulat, alas-9:30 ng gabi magkasalubong na binabagtas ang kahabaan ng highway ng Honda Click (574 ENL) na minamaneho ni Renzo at Yamaha Mio na minamaneho naman ni Benjie na angkas si Carlo.
Pagdating sa lugar ay aksidenteng nagkabanggaan ang dalawang motorsiklo dahilan para duguang isinugod ang tatlo sa Ziga District Hospital sa Tabaco City pero idineklarang patay ang matandang rider habang dahil sa matinding brain injury ni Carlo ay nasawi rin siya sa pinagdalhang pagamutan.
- Latest