Mag-ate ibinugaw 10 kaanak na minor, timbog!

2 bahay sa Tarlac ni-raid ng NBI
MANILA, Philippines — Arestado ang magkapatid na babaeng facilitator umano ng sex video, mga larawan at malalaswang live streaming ng 10 menor-de-edad na kamag-anak, sa isinagawang entrapment operation ng National Bureau of investigation (NBI) sa Tarlac, noong Hunyo 10, 2025.
Iniharap sa pulong balitaan kahapon ni NBI Director Judge Jaime Santiago ang dalawang suspek na kapwa nasa hustong gulang, residente ng Concepcion, Tarlac.
Nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 10 menor-de-edad, kabilang ang dalawa na mismong kapatid ng mga suspek at ang walo ay mga kamag-anak.
Nag-ugat ang pagdakip sa dalawa sa impormasyong naaresto noong Abril 2, 2025 ang umano’y sexual child offender na si Heinz Henry Andreas Berglund, Swedish national, na parokyano ng mga suspek, batay sa nakuhang impormasyon sa Nordic Liaison Office (NLO) at tugma rin ang deskripsyon sa ibinigay na referral ng Homeland Security Investigation (HSI).
Sinalakay ng NBI-Violence Against Women and Children Division (VAWCD), NBI-Tarlac District Office , NBI- Digital Forensic Laboratory Division, NBI Photographers, HIS personnel at Department of Justice-Inter-Agency Council Against Trafficking (DOJ-IACAT), MSWD, foreign media at Destiny Rescue Philippines, noong Hunyo 10, ang dalawang bahay ng mga suspek gamit ang 2 warrant to search, seize and examinte computer data (WSSECD) na inisyu ng korte.
Nasamsam ang mga ebidensya kaugnay ng paglabag sa Republic Act11930 (Anti OSAEC and CSAEMs Act), Republic Act No. 9208, na inamyendahan ng RA 11862 (Anti-Trafficking in Persons Act), at RA. 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination).
- Latest