2 estudyante nag-volunteer sa Brigada Eskwela, patay sa lunod!

MANILA, Philippines — Hindi na umabot sa pagbubukas ng klase ang dalawang tinedyer na estudyanteng lalaki na nag-volunteer pa sa Brigada Eskwela matapos silang malunod sa isang ilog sa Brgy. Kaluwasan, Dagohoy, Bohol, ayon sa ulat kahapon.
Ang mga biktima na tinukoy lamang sa mga alyas na Gino at Leo ay kapwa 14-anyos; pawang residente ng Brgy. San Miguel, Dagohoy, Bohol. .
Sa report na tinanggap ng Bohol Provincial Police Office (PPO), nangyari ang trahedya matapos ang Brigada Eskwela na nilahukan ng mga biktima noong Biyernes (Hunyo 12) ng hapon sa kanilang paaralan sa naturang munisipalidad.
Nabatid na matapos tumulong ang dalawang estudyante sa paglilinis ng kanilang paaralan ay nagkatuwaan silang maligo sa ilog. Gayunman, hindi pala marunong lumangoy ang dalawang biktima na noong una ay sa mababaw na bahagi lamang ng ilog sila nagtatampisaw hanggang sa umano’y pambubuyo ng kanilang mga kamag-aral ay napunta sila sa malalim na bahagi ng ilog.
Bunga nito, kapwa nalunod ang dalawang estudyante na nabigo namang masagip ng mga nagpanik na mga kapwa mag-aaral.
Humingi ng saklolo ang mga estudyante at rumesponde ang mga elemento ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Bureau of Fire Protection sa nasabing lugar hanggang sa marekober ang katawan ng dalawang estudyante pero kapwa patay na.
- Latest