Bacolod City nagtala ng unang kaso ng Mpox
MANILA, Philippines — Nakapagtala ng unang kaso ng Mpox (Monkeypox) ang Bacolod City, Negros Occidental, base sa kumpirmasyon ng mga health officials ng lungsod.
Sinabi ni Bacolod City Mayor Albee Benitez, nasa maayos na kalagayan ang pasyente na tinamaan ng Mpox na kasalukuyang naka-isolate, binibigyan ng medisina at patuloy na minomonitor ang kondisyon.
Isinagawa na rin ang contact tracing sa mga indibiduwal na nakasalamuha ng nagpositibo sa Mpox upang mapigilan ang pagkalat o makahawa ng nasabing sakit.
Samantala, tiniyak ni Benitez na mayroon na silang nakahandang aksiyon para sa ganitong uri ng sitwasyon hinggil sa Mpox.
“Ang Mpox ay isang sakit na kayang gamutin kung susundin ang tamang health protocols,” pahayag ni Benitez na sinabi pang makinig ang mga mamamayan sa tamang impormasyon kung paano maiiwasang mahawa at mapigilan ang pagkalat ng naturang sakit.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din ng pamahalaang lungsod ang publiko na iwasan ang diskriminasyon o panghuhusga sa mga pasyenteng may Mpox, sa kanilang mga pamilya at indibiduwal na hinihinalang dinapuan ng karamdaman.
- Latest