P20.4 milyong pang shabu nalambat sa Ilocos

MANILA, Philippines — Umaabot sa P20.4 milyong halaga ng shabu na napulot ng mga concerned citizens at dalawang mangingisda ang kanilang isinuko sa mga awtoridad matapos na mapadpad sa baybayin ng Ilocos Norte.
Sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), isinurender ang nasabing mga shabu sa kanilang tanggapan, sa Ilocos Provincial Police Office at Philippine Coast Guard (PCG) nitong Hunyo 12 at Hunyo 13.
Ang naturang mga illegal na droga ay nakasilid sa tatlong plastic bag na may Chinese markings na tumitimbang ng halos tatlong kilo.
Sinabi ni PDEA Director General Isagani Nerez na ang retrieval operations at paggalugad sa mga baybaying dagat ng lalawigan at iba pang karatig lugar ay nagpapatuloy kaugnay ng posibilidad na may makuha pang ‘floating shabu”.
Kasabay nito, pinasalamatan ni Nerez ang mga lokal na residente at mga mangingisda sa kanilang katapatan sa pagsu-surender sa mga nakuhang shabu sa karagatan.
Sa tala ng PDEA, hanggang nitong Hunyo 13 ay nasa kabuuan nang 1,243.12 kilo ng floating shabu na nagkakahalaga ng ?8,453,216,000 ang isinuko sa mga awtoridad ng mga residente at mangingisda ng Zambales, Pangasinan, Ilocos Sur at Ilocos Norte.
- Latest