Dayong ‘tulak’ huli sa P7.1 milyong drug operation
COTABATO CITY, Philippines — Isang lalaking narcotics dealer na mula sa Maguindanao del Norte ang nakumpiskahan ng P7.1 million na halaga ng shabu sa isang entrapment operation sa Poblacion ng Polomolok sa South Cotabato nitong Biyernes.
Kinumpirma nitong Sabado ni Brig. Gen. Arnold Ardiente, director ng Police Regional Office-12, at ng isang opisyal ng PRO-12 Regional Drug Enforcement Unit, si Major Dave Abarra, na nakadetine na ang 30-anyos na suspect na si Usi Makasasa, ng Barangay Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Ayon kay Ardiente, hindi na pumalag si Makasasa nang kanyang mapuna na mga hindi unipormadong mga kasapi ng iba’t ibang PRO-12 units ang kanyang mga nabentahan ng shabu sa isang lugar sa Polomolok.
Sa hiwalay na pahayag, nagpasalamat sina Ardiente at Abarra sa mga impormanteng tumulong sa kanilang malambat ang suspect na matagal ng under surveillance ng PRO-12 at the South Cotabato Provincial Police Office dahil sa kanyang malakihang pagbebenta ng shabu sa ilang mga bayan sa probinsya.
Nahaharap si Makasasa sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ayon kay Ardiente.
- Latest