3 sasakyan nagkarambola sa South Cotabato: 18 nasaktan

COTABATO CITY, Philippines — Nasa 18 katao ang nagtamo ng mga sugat at pasa sa katawan nang magkarambola ang isang shuttle van, truck at sports utility vehicle (SUV) sa Barangay Klinan, Polomolok, South Cotabato nitong umaga ng Huwebes.
Sa ulat nitong Biyernes ng mga opisyal ng Polomolok Municipal Police Station, sangkot sa aksidente ang isang Nissan shuttle van, minamaneho ni Roger Montecalbo, isang Fuso Canter na isang nagngangalang Arnel Ramos ang driver at ang Subaru SUV ni Ronald Vasquez.
Ayon sa mga saksi sa mga imbestigador, sobrang bilis ng takbo ng shuttle van kaya nito nasapol ang sinusundang Fuso Canter, na lumihis at nahagip pa ang kasalubong na Subaru SUV mula sa kabilang direksyon ng highway.
Sa recording ng dash camera ng Subaro na minamaneho ni Vasquez, malinaw na ang shuttle van ang siyang sanhi ng karambola ng tatlong sasakyan.
Kinumpirma ng mga kawani ng Polomolok Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at ng mga barangay officials na 18 katao ang nasaktan sa aksidente na agad isinugod ng mga emergency responders mula sa Polomolok local government unit sa isang pagamutan. Bahagyang nasaktan din si Vasquez at mga kasama sa sasakyan sanhi ng insidente.
- Latest