Lantsa lumubog sa Palawan: 1 patay, 2 nawawala

COTABATO CITY, Philippines — Isang pasahero ang namatay sa pagkalunod habang walong iba pa ang nasagip at dalawa ang nawawala matapos lumubog ang kanilang sinasakyang maliit na lantsa sa karagatang sakop ng bayan ng Balabac sa Palawan nitong umaga ng Linggo.
Kinumpirma nitong Lunes ni Ensign Mark Joseph Bajao, acting commander ng Philippine Coast Guard (PCG)-Balabac Station, na isang pasahero ng lumubog na maliit na sasakyang pandagat na nasawi sa insidente ay nasa isang morgue na at nasa kanilang kustodiya na ang mga na-rescue.
May dalawa pang nawawala na sakay ng lumubog na lantsa ang magkatuwang na hinahanap pa ng mga tropa ng PCG, ng mga barangay officials at mga emergency responders mula sa Balabac local government unit at sa Palawan Disaster Risk Reduction and Management Office.
May teorya si Bajao at kanyang mga kasama sa PCG Balabac Station na posibleng mga human trafficking victims ang mga sakay ng maliit na lantsang lumubog na diumano’y patungo sana ng Malaysia.
May indikasyon na ni-recruit sila para sa mga pangakong trabaho sa naturang bansa, ayon kina Bajao at ilang mga opisyal ng pulisya sa Palawan.
Patuloy ang search and rescue operation ng mga awtoridad sa dalawang nawawala.
- Latest