Pulis-Davao na pumaslang sa kalaguyo, sisibakin sa serbisyo
MANILA, Philippines — Nakatakdang tanggalin sa serbisyo ang isang pulis sa Davao City na pumaslang sa kalaguyo nitong negosyante sa loob ng isang nakaparadang pickup sa kahabaan ng Palma Gil St., Brgy. 13-B, Davao City, noong Linggo ng gabi.
Kinumpirma ng hepe ng Davao City Police Office na si Col. Hansel Marantan na tatanggalin na sa organisasyon ng PNP si Corporal Marvin Perez, 36, miyembro ng Davao City Police Office Station 15 (Ecoland).
Bukod sa pagkasibak sa serbisyo ay kakasuhan din ito ng kriminal at wala na ring makukuhang benepisyo ang nasabing pulis.
Magugunita na bandang alas-11:35 ng gabi nang barilin ng suspek na pulis ang kalaguyong biktima na residente ng Brgy. Angliongto, Davao City.
Ang biktima ay nagtamo ng tama ng bala sa mukha, kilikili, balikat at dibdib na agad nitong ikinasawi.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang suspek at ang biktima umano ay may relasyon at sinasabing nagtalo sa Gcash dahilan nais ng huli na magkaroon ng access sa Gcash account ng una. Nauwi sa sakitan ang biktima at ang suspect na humantong sa pamamaril ng huli sa nasabing negosyante.
- Latest