15 ilegal na pagawaan ng baril ni-raid, 8 arestado

MANILA, Philippines — Kasabay ng direktiba ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil na tuldukan ang mga loose firearms, sinalakay ng PNP ang nasa 15 illegal na pagawaan ng baril nitong Martes sa Danao City, Cebu.
Ayon kay PRO 7 Director Brig. Gen. Redrico Maranan, ang joint operation na isinagawa ng Regional Mobile Force Battalion 7 (RMFB7) at Danao City Police sa Barangay Cahumayan, Danao City ay nagresulta sa pagkakaaresto ng walong suspek at pagwasak sa may 15 barung-barong na pinaniniwalaang gawaan ng mga baril.
Nabatid kay Maranan na nagsagawa mula sila ng intelligence-driven operations kaya mabilis na natukoy ang mga lugar.
Nasamsam sa operasyon ang 10 lathe machines na ginagamit sa paggawa ng baril, mga yari at hindi pa tapos na mga armas, at iba pang gamit.
Ani Maranan, bahagi ito ng kanilang kampanya laban sa iba’t ibang uri ng criminal group, drug syndicate, private armed groups, at mga terorista.
“The simultaneous dismantling of fifteen illegal gun-making sites reflects the intensity of our commitment to rid Central Visayas of deadly weapons,” ani Maranan.
Lumilitaw na ang nasabing pagawaan ay pinagkukunan ng armas ng mga grupong kriminal, sindikato ng droga, mga armadong grupo, at rebeldeng NPA.
- Latest