15 mayor sa Nueva Vizcaya wagi lahat sa eleksyon
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Walang natalo, lahat panalo para sa mga kasalukuyang mayor mula sa 15 bayan na bumubuo sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Ayon sa Commission on Election (Comelec), 13 sa mga kasalukuyang mayor ang nagwagi para sa kanilang ikalawa at ikatlong termino habang ang dalawa sa kanila na magtatapos naman sa kanilang huling termino sa susunod na buwan ay nagwagi pa rin sa magkaibang posisyon na kanilang tinakbuhan.
Batay sa talaan ng Comelec, ang mga kasalukuyang mayor na panalo para sa kanilang ika-2 termino ay kinabibilangan nila Mayor Philip Dacayo sa bayan ng Solano; Tony Bagasao ng Bayombong; Ronelie Valtoribio ng Villaverde; O’nel Danao ng Amabaguio; Wilson Capia-ao ng Alfonso Castañeda; Benigno Calauad ng Bagabag; Jamie Cuaresma ng Bambang; Neil Magaway ng Dupax del Sur at Liwayway Caramat mula naman sa bayan ng Sta Fe.
Wagi naman para sa kanilang huli at ikatlong termino (2025-2028) sina Mayor Sandy Gayaton ng Diadi; Romeo Tayaban ng Kasibu; Elizabeth Balasya ng Kayapa at Remelyn Peros ng Aritao.
Panalo rin bilang 1st councilor si Mayor Dolores Binwag sa bayan ng Quezon na magtatapos ang kanyang termino kung saan papalit sa kanya ang kanyang anak na si Totsie Binwag matapos mahalal bilang bagong mayor sa nasabing bayan.
Samantala, si Mayor Timothy Joseph Cayton na magtatapos din sa kanyang huli at ikatlong termino bilang mayor ng Dupax del Norte ay nahalal naman bilang bagong Congressman ng Nueva Vizcaya matapos lamangan ng malaking boto ang mga prominenteng pangalan na nakatunggali sa nasabing posisyon.
Kabilang sa mga nakatunggali ni Cayton ay sina dating Gobernador Ruth Padilla, ang may-bahay ng yumaong governor at batikan na dating Congressman Carlos Padilla; Bilyonaryo at kilalang negosyante na si dating vice Governor at kasalukuyang Board Member Jose Tam-an Tomas; riteradong opisyal ng Philippine National Police na si Retired General Val de Leon; milyonaryong negosyante na si Jun Manghi at dalawang iba pa.
Si Cayton, isang abogado at presidente ng League of Municipalities of the Philippines-Nueva Vizcaya chapter ay papalitan ng kanyang nakababatang kapatid sa pagka-alkalde na si Atty. Paolo Cayton matapos namang magwagi ng landslide laban sa kanyang katunggali na si Frederick Padilla.
- Latest