Tanod todas, 2 sugatan sa ambush!

COTABATO CITY, Philippines — Isang barangay tanod ang patay habang sugatan ang dalawa nitong kasama makaraang silang tambangan sa sentro ng Shariff Aguak, Maguindanao del Sur nitong Linggo ng hapon.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Lunes ni Shariff Aguak Mayor Akmad Ampatuan at ng mga opisyal ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office, sakay ng kanilang patrol vehicle ang mga barangay tanod nang paputukan ng mga armadong nakaabang sa gilid ng isang kalye sa poblacion ng Shariff Aguak.
Kinumpirma ng municipal officials at mga imbestigador ng Shariff Aguak Municipal Police Station na isang barangay tanod ang agad na namatay sa mga tama ng bala habang dalawa pang kasama nito ang sugatan sa insidente, ngayon ginagamot na sa isang hospital.
Mabilis na nakatakas ang mga armadong nag-ambush sa mga biktima, ayon sa mga barangay officials sa Shariff Aguak.
Sa tala ng pulisya, tatlong miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) o mga barangay tanod sa Shariff Aguak, ang magkasunod na napatay sa mga hiwalay na pamamaril sa loob lang ng apat na linggo bago naganap ang May 12, 2025 elections.
May teorya ang mga opisyal ng Shariff Aguak Municipal Police Station at Maguindanao del Sur Provincial Police na magkakaugnay ang lahat ng mga naturang insidente.
- Latest