Kagawad sa Zamboanga, kritikal sa ambush

COTABATO CITY, Philippines — Agaw-buhay sa pagamutan ang isang 31-anyos na barangay kagawad sa Zamboanga City, biktima ng ambush sa isang lugar sa lungsod nitong madaling araw ng Linggo.
Sa inisyal na ulat ng mga local officials at ng mga imbestigador mula sa Zamboanga City Police Office, sakay si Jake Niko Alaban Fabian ng kanyang motorsiklo nang tambangan ng mga armado sa madilim na bahagi ng isang kalye sa Tumaga Porcentro sa Barangay Tumaga.
Apat na mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang tinamo ng barangay kagawad sa Tumaga na si Fabian na agad namang naisugod sa hospital ng mga emergency responders at mga pulis na tumugon sa insidente.
Mabilis na nakatakas ang mga tumambang kay Fabian, ayon sa mga kapwa niya barangay officials sa Tumaga.
Magkatuwang na nagsisikap ang mga local officials sa Zamboanga City at ang pulisya sa pagkilala sa mga nagtangkang patayin si Fabian upang agad na masampahan ng kaso sa korte.
- Latest