Drug-bust sa mall parking lot: P3.4 milyong droga samsam, dayo huli
CAVITE, Philippines - Arestado ang isang lalaking dayo na nagmula pa sa Maynila sa inilatag na buy-bust ng pulisya sa isang parking lot ng mall sa lungsod ng Bacoor, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Cavite Provincial Director Police Col. Dwight Alegre ang naarestong suspek na si alyas “Eugene”, nasa hustong gulang, residente ng Gagalangin, Tondo, Manila.
Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Regional Office 4-A, alas-4 ng hapon nang ikasa ng PDEA-RO 4A Special Enforcement Team 1 at Cavite PNP-Maritime Police Station ang buy-bust operation laban sa suspek.
Isinagawa ang buy-bust sa open parking lot ng isang mall sa Barangay Habay 2 ng lungsod.
Nang magkaabutan ng droga at buy-bust money, agad na inaresto ang suspek na nakunan ng mahigit sa 500 gramo ng shabu na nasa P3.4-milyon ang halaga.
Ayon kay Col. Alegre, sinampahan na ng kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) Article II of Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang naarestong suspek.
- Latest