Chinese, Pinay tiklo sa P686.8 milyong shabu
MANILA, Philippines — Nasakote nang pinagsanib na elemento ng mga otoridad ang isang Chinese national at kasabwat nitong Pinay kasunod nang pagkakasamsam ng P686.8 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Angeles City, Pampanga nitong Miyerkules.
Kinilala ni PDEA Director General Isagani Nerez ang mga nasakoteng suspect sa mga alyas na ‘Wang,’ Chinese national at ang Pinay na sinasabing kasabwat nito sa kalakalan ng droga na si alyas ‘Shania’.
Sa ulat,bandang alas-11:35 ng umaga nang magsagawa ng operasyon ang pinagsanib na elemento ng PDEA, PNP at AFP sa kahabaan ng Friendship Highway, Brgy. Sto, Domingo ng nasabing lungsod.
Bago ito ay nakipag-deal ang mga otoridad sa mga suspect matapos na makumpirma ang intelligence report na positibong nagtutulak ang mga ito ng droga sa lungsod at mga karatig lugar.
Sinabi ng opisyal na ang mga suspects ang top drug suppliers sa bansa kung saan ang nasabing Chinese national ay naninirahan sa Clark, Pampanga habang si Shania naman ay taga Tarlac City.
Nakumpiska mula sa mga ito ang aabot sa 101 kilo ng shabu na itinago sa 96 tea bag at limang transparent plastic bags gayundin ang isang behikulo na Toyota Sienna, cellphone na gamit ng mga ito sa illegal na transaksiyon at driver’s license.
Ang mga suspect na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o ang illegal possession of dangerous drugs na inamyendahan bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest